Handang humawak ng armas ang magkapatid na retired Ukrainian boxing stars na sina Vitali at Wladimir Klitschko para ipagtanggol ang kanilang bansa laban sa pananakop ng Russia.
Mula 2014, nananatiling alkalde si Vitali Klitschko ng lungsod ng Kyiv, na kapitolyo ng Ukrainian.
Sa panayam ng "Good Morning Britain," sinabi ni Vitali na isang madugong labanan na ang sitwasyon ng Ukraine at Russia.
"I don't have another choice," ayon sa 50-anyos na alkalde. "I have to do that. I would fight."
Ang kapatid niyang si Wladimir, 45-anyos, nagpalista bilang reserve army ng Ukraine.
Sa kaniyang mahabang social media post nitong Huwebes, nagpahayag siya tungkol sa plano ni Russian president Vladimir Putin na banta umano sa "European way of life."
"He makes it clear that he wants to destroy the Ukrainian state and the sovereignty of its people," sabi ni Wladimir. "Words are followed by missiles and tanks. Destruction and death come upon us. That's it, blood will mix with tears."
Sinabi ng boxing promoter ng magkapatid na Klitschko na si Tom Loeffler, sa San Gabriel Valley (Calif.) Tribune, na nasa Kyiv ang dalawa at "ligtas sa ngayon."
Kapwa gumagawa ng marka sa larangan ng boksing ang magkapatid na naging heavyweight boxing champion sa mundo. Pareho rin silang kasama sa International Boxing Hall of Fame.
May rekord si Vitali na 45-2 nang magretiro, habang 64-5 naman ang rekord ni Wladimir Klitschko.
Nagsimula ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine nitong Huwebes, ilang oras matapos iutos ni Putin ang "special military operation" noong Miyerkules ng gabi.
—Field Level Media/Reuters/FRJ,GMA News