Inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III na nalampasan na Pilipinas ang crisis stage sa pagkalat ng Omicron variant ng coronavirus. Pero paglilinaw ng kalihim, hindi pa sa mismong problema sa COVID-19 pandemic.
Sa panayam ng Dobol B TV nitong Huwebes, sinabi ni Duque na bumuti na ang numero pagdating sa two-week growth rate, average daily attack rate (ADAR) at healthcare utilization.
Ang pagbaba ng mga bilang ang dahilan kaya umano nasa low risk na ang bansa sa COVID-19.
Ayon kay Duque, ang two-week growth rate ng bansa ay nasa -81%, habang ang ADAR ay nasa at 7 cases per 100,000 population, na ikinukonsiderang "low-risk."
"Tapos ang ating health systems capacity nasa low risk, mga a little over 30% lang ang kama na nagagamit, so 3 out of 10. Mababa siya," dagdag ng kalihim.
Sa ulat ni Manny Vargas sa Super Radyo dzBB, inihayag umano ni Duque na walang nakaaalam kung magkakaroon pa ng bagong variant ng virus na dapat ikabahala.
Pinuna niya ang nangyari sa bansa noong November hanggang December ng 2021 na mababa na ang kaso ng COVID-19 hanggang sa muling tumaas dulot ng mas nakahahawang Omicron variant.
Sa kabila ng magandang mga numero, sinabi ni Duque na hindi pa natatanaw sa bansa na matatapos na nang tuluyan ang COVID-19 pandemic.
“We’re over with the Omicron, but not the COVID-19,” sabi ni Duque sa hiwalay na panayam ng GMA News Online sa telepono.
“”We’re not out of the COVID crisis. The COVID crisis is still there," paglilinaw niya.
"But we never said that we’re over with the crisis [ng COVID-19 pandemic]. Matagal pang mag-a-antay tayo," dagdag ng kalihim.
Hindi rin suportado sa ngayon ni Duque ang mungkahi na alisin na ang utos na sapilitang pagsusuot pa rin ng face mask.
"Hindi ako naniniwala na malapit na ang panahon [na tanggalin ang face mask policy] kasi lalo na meron tayong campaign rallies. Lalo pa natin dapat pag-igtingin ang pagsunod sa minimum health standards," ani Duque.
--FRJ, GMA News