Sinabi ng Bureau of Immigration (BI) na hindi dapat payagan ng mga airlines na makasakay sa eroplano ang mga dayuhan na walang dalang kaukulang dokumento sa pagpunta sa Pilipinas.
Sa ngayon, pinapayagan nang pumasok sa bansa ang mga fully vaccinated foreigners. Pero dapat may mga dala silang kaukulang mga dokumento tulad ng katibayan na bakunado na sila, passport na valid nang kahit hanggang anim na buwan at negative RT-PCR test result.
"Foreign nationals who are ineligible for entry are excluded upon arriving at the airport, and is boarded on the next available flight back to their port of origin. Airlines likewise face fines and sanctions for allowing improperly documented aliens to board," ayon sa inilabas na pahayag ng BI nitong Martes.
Hiniling ni BI port operations chief Carlos Capulong sa mga airlines na suriing mabuti ang mga dokumento ng mga pasahero at tiyakin sumusunod ang mga ito sa mga itinakdang rekisito.
“The airlines have been very helpful and cooperative with these policies that we are duty-bound to impose,” saad niya.
Sa pagbubukas ng Pilipinas sa mga dayuhan, kabilang ang mga turista, inaasahan na malaking tulong ito para mapasigla muli ang turismo sa bansa na labis na napilayan dahil sa COVID-19 pandemic.— FRJ, GMA News