Idineklarang Lego toys pero mga itim na langgam pala na mula sa Poland ang tinangkang ipuslit sa Pilipinas. Ano nga ba ang ginagawa sa mga langgam na ito at gustong ipuslit?

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing dalawang paketeng galing sa Poland na naglalaman ng blank ants ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs.

Nakalagay ang halos 400 na langgam sa mga specimen tubes na idineklarang Lego toys nang nagtangkang magpuslit ng naturang kontrabando.

Dumating ang mga kontrabado noong Disyembre at Enero at Pebrero. Pareho ang importer at consignee nito pero hindi muna binanggit ang pangalan.

Ayon kay Chief Maricar Puno-Sanchez, chief ng  Enforcement Division-Surveillance and Intelligence Section ng DENR-NCR, may nakararating na impormasyon sa kanila na ginawang alaga o pet ang naturang uri ng langgam.

Mas malaki raw ang sukat ng mga blank ants kumpara sa karaniwang langgam.

Ibinigay na ng BOC sa Department of Environment and Natural Resources ang mga langgam. Kapag natapos na ang pagproseso, isasailalim sa "mercy killing" ang mga langgam.

Ayon sa ulat, sinabi ng DENR na "highly invasive" ang mga blank ant kaya magdudulot ito ng perwisyo sa kalikasan kapag nakawala at magdulot din ng peligro sa kalusugan ng mga tao. --FRJ, GMA News