Humingi ng tulong sa mga awtoridad ang mga pamilya ng dalawang real estate agents na dalawang buwan nang nawawala matapos na magpaalam na may katatagpuing kliyente sa Batangas.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ng mga kaanak ng mga nawawalang sina Paul John Ferolino, 33 at Rodelio Larena, 30, na nitong nakaraang Disyembre nang magpaalam ang dalawa na may kakausaping kliyente.

"Mayroon siyang kausap na client na nandoon sa area tapos potential client doon sa mga units na binibenta nila so nagpunta sila doon," sabi ni Ralph Larena, kapatid ni Rodelio.

Pero noong December 14, nakita ang sasakyan ng dalawa na inabandona sa Taal-Lemery junction at wala na ang dash cam nito.

"Maayos 'yong sasakyan, malinis. 'Yong mga gamit, maayos na nakalagay sa sasakyan," ani Ralph.

Naghain na ng ulat ang pamilya ng dalawang nawawala sa Philippine National Police. Nais din nilang dumulog sa National Bureau of Investigation.

"Mahirap, 'yong papa ko pabalik-balik ng Manila to follow-up pero wala silang magawa," sabi ni Shilo Ferolino, kapatid ni Paul.

— FRJ, GMA News