Nasawi ang isang 16-anyos na person with disability (PWD) matapos na matupok ng apoy ang kanilang bahay at katabing vulcanizing shop sa Valenzuela City.
Sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nangyari ang insidente bandang 3 a.m. nang magliyab ang vulcanizing shop sa Mindanao Avenue sa bahagi ng Barangay Ugong ng nasabing lungsod.
Agad kumalat ang apoy dahil puro gulong ang establisimyento, hanggang sa madamay ang bahay ng may-ari na nasa ikalawang palapag, pati ang katabing junk shop.
Naiwan sa loob ng kwarto sa ikalawang palapag ang 16-anyos na biktima.
"Kaming tatlo tsaka 'yung bunsong anak tumalon na lang kami sa second floor. 'Yung anak ko sa itaas sa katabi lang din namin na kwarto nandu'n hindi na siya nakalabas," sabi ni Marilyn Roman, sabi ng ina ng biktima.
"Wala akong magagawa dahil nagsindihan eh. Tulog kami eh," ayon naman sa tatay ng menor de edad.
Unang nakakita sa sunog ang tauhan nila sa shop na naka-duty noon.
Ayon sa tauhang si Oscar Dichoso, nagsimula sa dingding sa kusina ang apoy.
"Sa taranta ko sumigaw na lang ako nang sumigaw kaya nagising po sina bossing," sabi ni Dichoso.
Gumamit ng mga metal cutter ang mga bumbero para makuha ang katawan ng biktima.
Nagdeklara ng fire out ang mga awtoridad 4:19 ng umaga.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP Valenzuela sa sanhi ng apoy at halaga ng mga nasunog pero sinabi ng pamilya Roman na meron silang aabot na P70,000 halaga ng pera at mga alahas.
Natupok din ang isang oil tanker. — Jamil Santos/VBL, GMA News