Ang two-time 2019 SEA Games underwater hockey silver medalist Johanna Lim Uy ang anak na nasawi sa sunog na naganap sa Quezon City nitong Miyerkoles.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing kasama ni Uy, 42-anyos, na pumanaw sa sunog ang kaniyang ina na si Helen, 67-anyos.
Nasawi ang mag-ina nang hindi sila makalabas sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Mariana dakong 5:00 am noong Miyerkoles.
Ipinagluksa ng mga atleta at Philippine Sports Commission ang pagpanaw ni Uy at ang kaniyang ina.
Napanalunan ni Uy ang dalawang silver medal sa women's 4×3 at women's 6×6 events sa underwater hockey competition noong 2019 Southeast Asian Games na ginanap sa Pilipinas.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa unang palapag ng bahay.
Nakalabas ng bahay at nakaligtas ang kasambahay ng mga biktima.
Nasunog din ang dalawang nakaparadang sasakyan.
Inabot lang ng unang alarma ang sunog at naapula rin pagkaraan ng may isang oras.--FRJ, GMA News