Inaasahan na tataas muli ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa isang opisyal ng Department of Energy (DOE).
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, hindi binanggit ni DOE Director Atty. Rino Abad, ng oil industry management bureau, kung magkano ang igagalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Kapag nangyari, ito na magiging ikapitong sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
"Mayroon po tayong nakikita na namang pagtaas... Hindi po natin masabi muna (kung magkano)," ayon sa opisyal, na sinabing problema rin sa ibang bansa ang oil price increases na nangyayari sa pandaigdigang merkado.
Nanawagan naman muli ang mga grupo ng transportasyon na itaas na sa P10 ang singil sa pamasahe.
"Ibalik na 'yong P10 na inaprubahan nila noong 2018. Para naman ang ating mga jeepney drivers ay kahit paano makabawi... Naintindihan po natin, pandemya ngayon," ayon kay Pasang Masda national president Obet Martin.
"Dalawang taon po hindi kumita ang jeep... Hindi nagtaas kahit nahihirapan ang ating mga jeepney drivers,"dagdag niya.—FRJ, GMA News