Nadakip ng mga awtoridad ang dalawang Chinese na miyembro umano ng kidnap for ransom group na dumukot at nang-torture umano sa kababayan nila sa Parañaque City para mapilitang magbigay ng ransom ang mga kaanak ng biktima.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras nitong Huwebes, mapapanood sa video ng National Bureau of Investigation - National Capital Region (NBI-NCR) ang pagmamakaawa ng isang Chinese national na nakahiga sa kama bago siya pagpapaluin ng isa sa mga suspek.
Makalipas ang ilang saglit, makikitang duguan na ang mukha ng biktima.
Naitimbre ito sa NBI-NCR kaya sinalakay ng mga operatiba ang hideout ng grupo sa nasabing lungsod.
Nadakip ang dalawang Chinese, at narekober ang dalawang baril, isang long firearm, assorted na mga bala at mga posas.
"Mga Chinese national na nagpunta sa ating bansa na nagkukunwari o nagre-represent as legitimate na loan companies. Ang modus nila ay magbibigay agad ng pera at walang collateral. Ang problema, kapag na-default ka sa payment, doon ka na nila, ikukulong at sasaktan para makapagbayad ka," sabi ni Jun Dongallo, Regional Director ng NBI-NCR.
Matapos nito, ipadadala ng mga suspek ang video ng kanilang pananakit sa mga kamag-anak ng mga biktima, para mapilitan silang magbayad.
Nagbabala si Dongallo sa Chinese nationals na nasa bansa, pati na rin ang mga Filipino-Chinese, na huwag basta maniwala sa modus ng grupo.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong kidnapping with serious illegal detention at illegal possession of firearms.
Sinabi ni NBI Director Eric Distor na magsasagawa sila ng follow-up operation para matukoy ang iba pang kasama ng mga suspek.
--Jamil Santos/FRJ, GMA News