Iniulat ng Department of Health nitong Huwebes na nakapagtalaga ng 4,575 na mga bagong kaso ng COVID-19 cases sa Pilipinas. Mas mataas ito sa 3,651 na inilabas nitong Miyerkoles.
Sa kabila ng pagtaas ng mga bagong kaso, bumaba pa ang mga aktibong kaso sa 93,307. Nitong Miyerkoles, 96,326 ang naitalang active cases.
Sa bilang ng mga aktibong kaso o mga pasyenteng nagpapagaling, 3,316 sa mga ito ay asymptomatic; 85,244 ang mild; 1,444 ang severe; at 312 ang critical.
Sa mga bagong kaso, sinabi ng DOH na 3,461 o 76% sa mga ito ay nangyari sa nakalipas na 14 araw na mula January 28 hanggang February 10.
Ang mga rehiyon na may pinakamaraming kaso sa nakalipas na dalawang linggo ay ang Region 6 (451 o 13%), Region 7 (400 o 12%), at National Capital Region (392 o 11%).
Nadagdagan pa ng 7,504 pasyente ang gumaling sa virus, at 94 naman ang mga pumanaw pa.
Nabawasan naman ang COVID-19 positivity rate sa bansa na 15.1%, kumpara sa 16.5% na naitala nitong Miyerkoles.
Ayon sa DOH, operational ang lahat ng laboratoryo noong February 8, at may limang laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos sa takdang oras.
—FRJ, GMA News