Bagaman nitong Lunes lang, Pebrero 7, 2022, sinimulan ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga batang edad lima hanggang 11, lumitaw na isang 11-taong-gulang na babae ang nabakunahan na noong Enero. Nalaman ito nang bumalik siya sa bakunahan sa Maynila kasama ang ina para sana sa second dose ng bata.

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing nagulat ang coordinator sa pediatric vaccination site sa Maynila nang makita ang vaccination card ng bata na naturukan ng first dose noong Enero 10, 2022.

Nakasaad na July 2010 ang birthday ng bata kaya 11-taong-gulang pa lang siya, na pasok sa kasalukuyang vaccination rollout sa mga edad lima-hanggang 11.

Pero noong Enero, hindi pa puwedeng pabakunahan ang mga edad 11 dahil ang pinapayagan pa lang ay mga kabataang edad 12-17 na sinimulan noong nakaraang Oktubre.

Nagulat umano ang coordinator sa pediatric vaccination site nang sabihin ng ina ng bata na pang-second dose na ang ituturok sa kaniyang anak.

Tumanggi na umano ang ina ng bata na magpaunlak ng panayam.

Sinabi naman ng Department of Health–National Capital Region (DOH-NCR) na iniimbestigahan nila ang insidente.

Ayon kay Dr. Nina Gloriani, vaccine expert panel chief, kailangan pa rin na masubaybayan ang bata para sa posibleng side effects ng bakuna kahit isang buwan na ang nakalipas matapos siyang maturukan.

Gayunman, kung malaking bulas umano ang bata, makakayanan naman daw nito ang dosage ng bakuna.

“The child will be monitored for possible side effects, but I do not foresee any problem. The dose is for an adult and if the child is big enough… (she) should be able to handle that,” ayon kay Dr. Nina Gloriani, vaccine expert panel chief.

“Pfizer vaccine was studied across low, medium, and high dose de-escalation studies where they found similar immune response and efficacy between the ages 5 to 11 and 12 to 17, even compared to those above 18. But it is something that vaccinators should be very conscious of when administering the doses,” dagdag niya.

Ayon naman kay Dr. Anna Lisa Ong-Lim, miyembro ng DOH-Technical Advisory Group (TAG),  na dapat na naayon sa edad ang dosage ng gamot na ibibigay sa taong babakunahan.

“Age appropriate dose should be given. Kung ano ang edad mo on the time na nakaharap ka doon sa vaccination site at babakunahan, ‘yun ang tatanggapin na guide kung anong dose ang iyong tatanggapin,” paliwanag ni Ong-Lim.

“Base doon sa experience na nakalap na sa ibang mga bansa, ang recommendation is hindi na kailangang ulitin pa,” sabi pa niya.

Nauna nang sinabi ng mga eksperto na mas mababa ang dosage na ibibigay sa mga batang nasa edad limang hanggang 11, kumpara sa bakuna na itinuturok sa mga matatanda.

--FRJ, GMA News