Arestado ang isang lalaki sa Mandaluyong City matapos siyang mag-alok umano ng mga pekeng doctorate degree certificate kapalit ng halagang aabot sa P300,000.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras, makikita ang pagdakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Fraud Division sa suspek na kinilalang si Jonathan Navea matapos iabot sa kaniya ang perang P160,000.
Huli siya sa entrapment operation sa isang establisimyento sa nasabing lungsod.
Ayon sa mga reklamo ng mga nabiktima ni Navea, inalok sila umano ng suspek ng PhD honorary degree at awards kapalit ng P60,000 hanggang P300,000 kada tao.
Gayunman, natuklasan nilang peke pala ang inaalok sa kanila na doctorate degree.
"In-offer-an niya ako ng award for a fee. And then after that, in-offer-an din niya ako kung gusto ko raw maging Doctor of Humanities. 'Yung binayad ko rito is worth P60,000. Tinawagan ko talaga 'yung university, doon ako nagulat na hindi pala siya authorized na magbigay ng award," sabi ng complainant na si Raymard Gutierrez.
"Hindi namin alam ay P240,000 pala at 'yun pala ay bayad sa aming honorary doctorate in Business Administration at accredited daw sa Singapore," sabi ng complainant na si Baby Go.
Pero giit ng suspek, wala siyang ginagawang kasalanan at binabalikan lang siya ng kaniyang mga inireklamo.
"'Yun ay kabayaran ng sponsorship, hindi investment, hindi ito scam, it is more of recognition. I've been doing this for the past 42 years, how come ngayon lang? Malinis po ang konsensiya ko," anang suspek.
"Maglalagay lang sila ng tarpaulin, tapos merong kaunting seremonyas, iaabot 'yung certificates. Pagkatapos conferment na raw 'yun. Nag-verify din ang NBI from the Commission on Higher Education and according to CHED, ang nagko-confer lang na ina-allow nila na higher education institutes ay iilan lang sa Pilipinas. Asia Pacific University na nakalagay doon sa certificate is not among those accredited. Dalawa ang nag-certify na hindi totoo 'yung certificate na ino-offer nitong ating subject," sabi ni Palmer Mallari, chief ng NBI Anti-Fraud Division.
Nahaharap ang suspek sa reklamong estafa at falsification of private documents. —LBG, GMA News