Isang mangangalakal ng basura ang namatay matapos ma-hit and run ng kotse sa Quezon City nitong Martes ng gabi, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkules.

Tumatawid daw noon ang biktimang si Rodolfo Fontillas, 41, sa Kamuning Road nang mabangga ng kotse.

Isang concerned motorcycle rider ang nagtangkang humabol sa kotse pero hindi niya ito inabutan. Dumiretso raw ang kotse sa Kamias Road.

Kuwento ng kapatid ni Fontillas na si Roma, nagpaalam lang daw ang biktima na mangangalakal matapos maghapunan. Nalaman na lang daw niya ang insidente ng puntahan sila ng mga taga-barangay.

Hindi nakuha ang plaka ng nakabanggang kotse pero naiwan nito ang basag na salamin mula sa headlight na may nakakabit na RFID sticker. Ayon sa pulisya, gagamitin nila ang RFID sticker para matukoy ang may-ari ng kotse.

Nananawagan naman ang kaanak ni Fontillas sa driver na sumuko na.

"Makunsiyensa ka naman. Tao ang nasagasaan mo, hindi hayop," ani Roma.  —KBK, GMA News