Limang pasahero ng bus na hindi pa bakunado laban sa COVID-19 ang pinababa ng mga tauhan ng Inter-Agency Council for Traffic sa Commonwealth Avenue sa Quezon City nitong Lunes, ang unang araw ng pagpapatupad ng "no vaccination, no ride" policy.

Dinala ang mga pasahero sa opisina ng Task Force Disiplina, ayon sa ulat ni Allan Gatus sa Dobol B TV.

Iba-ibang rason ang ibinigay ng mga pasahero kung bakit hindi pa sila bakunado.

Ang isa ay sinabing kapapanganak pa lang niya. Ang isa naman ay sinabing may sakit siya sa bato.

Sabi naman ng isa pang pasahero, kagagaling lang niya sa probinsiya.

Ang isa naman ay magpapabakuna raw noong isang araw ngunit naabutan ng cut-off kaya't hindi na natuloy.

Ang ikalimang pasahero naman ay walang maibigay na dahilan kung bakit hindi pa siya bakunado.

Ayon sa Task Force Disiplina, sasamahan nila ang mga ito sa vaccination site nitong Lunes para mabakunahan na sila laban sa COVID-19.

Nitong Lunes ay sinimulan na ang pagpapatupad ng "no vaccination, no ride" policy na order ng Department of Transportation (DOTr).

Base sa Department Order No. 2022-001 ng DOTr, tanging mga fully vaccinated na indibidwal ang makakasakay sa public transportation vehicles sa National Capital Region (NCR) habang ito ay nasa Alert Level 3 o higit pa. Umiiral ang Alert Level 3 sa kasalukuyan sa NCR hanggang Enero 31.

“In general, a person is considered fully vaccinated two weeks after their second dose in a two-dose series, such as Pfizer or Moderna vaccines; or two weeks after a single-dose vaccine, such as Johnson & Johnson’s Janssen vaccine,” saad ng nasabing Department Order.

Ayon sa hepe ng PNP-HPG National Capital Region na si Police Lieutenant Colonel Joel Mendoza, hindi muna titiketan ngayong linggo ang mga lalabag sa "no vaccination, no ride" policy. Sa halip ay bibigyan muna sila ng "warning" at pakikiusapan silang kumpletuhin muna ang kanilang bakuna laban sa COVID-19.

Exempted naman sa nasabing policy ang mga indibidwal na may medical condition na nakakahadlang sa kanilang pagbabakuna laban sa COVID-19, mga indibidwal na bibili o kukuha ng essential goods at serbisyo, at ang mga pupunta sa vaccination sites para magpabakuna.

Kamakailan ay iniutos ni Presidente Rodrigo Duterte na i-restrict ang paglabas ng mga hindi pa bakunado laban sa COVID-19.

Patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, at nitong Linggo ay umabot sa 37,154 ang mga bagong kaso. Ang total COVID-19 cases sa bansa ay 3,205,396 na. —KG, GMA News