Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay official na isumite ang listahan ng mga tao sa kanilang nasasakupan na hindi pa natuturukan ng COVID-19 vaccines.
Sa Laging Handa public briefing nitong Miyerkules, sinabi ni DILG spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, na bahagi ito ng hakbangin na limitahan ang galaw ng mga hindi pa bakunado kasunod na rin ng pagtuloy na pagdami ng COVID-19 cases.
“Nagpalabas po si Secretary Año ng memorandum circular para magsagawa ang lahat ng mga barangay sa buong bansa para malaman ‘yung hindi pa nagpapabakuna sa barangay,” ayon sa opisyal.
Idinagdag ni Malaya na ang direktiba ng DILG ay pagtugon sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na limitahan ang galaw ng mga wala pang bakuna kontra COVID-19.
Sa sandaling maisagawa ang imbentaryo ng mga wala pang bakuna, sinabi ni Malaya na maaari nang magpatupad ng hakbang ang mga barangay para limitahan ang galaw ng mga hindi pa bakunado sa pamamagitan ng paglalabas ng ordinansa.
Sa Metro Manila, sinabi ni Malaya na tanging ang Pasig, Makati, at Navotas ang wala pang ordinansa tungkol sa restrictions. Pero inaasahan na makapagpapasa rin ng ordinansa ang tatlo sa darating na mga araw.
Umaasa rin si Malaya na susunod rin ang iba pang LGUs matapos maglabas ng resolusyon ang League of the Provinces of the Philippines, na naghihikayat sa mga lokal na pamahalaan patungkol sa naturang hakbang. — FRJ, GMA News