Naglabas si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules ng Administrative Order 46 upang bigyan ng P5,000 gratuity pay ang mga contract of service (COS) at job order (JO) workers sa gobyerno.

Kailangan hindi bababa sa four months of actual satisfactory performance of services ang manggagawa para makatanggap ng naturang halaga.

Sa ilalim ng AO 46, kabilang sa mga makatatanggap ng gratuity pay ay mga manggagawang COS at JO sa mga ahensiya ng goberyo, state universities and colleges (SUCs), government-owned or -controlled corporations (GOCCs), at local water districts (LWDs), na epektibo ang kontrata hanggang December 15.

"Granting a year-end gratuity pay to COS and JO workers is a well­ deserved recognition of their hard work in implementing programs, projects and activities, including those which are part of the emergency COVID-19 response efforts of the government," nakasaad sa AO 46.

Hindi gaya ng mga regular government employee, ang mga COS at JO worker ay walang mga benepisyo na katulad ng Personnel Economic Relief Allowance, mid-year at year-end bonuses at performance-based bonus, at iba pa.

Ang mga COS at JO worker na hindi naman umabot sa apat na buwan ay makatatanggap pa rin ng gratuity pay pero hindi na aabot ng P5,000.

Ang mga mayroong three months of actual satisfactory performance of service ay makatatanggap ng P4,000, habang P3,000 naman sa mga naka-dalawang buwan of actual satisfactory performance of service.

Ang mga mas mababa pa sa two months of actual satisfactory performance of service ay makatatanggap ng hindi hihigit sa P2,000. --FRJ, GMA News