Sumipa sa 889 ang naitalang mga bagong kaso ng COVID-19 cases sa Pilipinas ngayong Miyerkules, na doble sa naitala nitong Martes na 421.
Sa datos ng Department of Health's (DOH) sa kanilang COVID-19 bulletin, umangat sa 10,418 ang mga aktibong kaso, kumpara sa 9,750 na naitala nitong Martes.
Sa bilang ng mga aktibong kaso, 536 ang asymptomatic, 4,384 ang mild, 3,346 ang moderate, 1,778 ang severe, at 374 ang kritikal.
Ayon sa DOH, ang rehiyon na may pinakamataas na mga kaso sa nakalipas na dalawang linggo ay National Capital Region (NCR) na may 564 cases o 65%. Sumunod ang Region 4-A (86 cases) at Region 3 (53 cases).
Mayroong 214 na pasyente ang nadagdag sa mga gumaling, habang 28 naman ang nadagdag sa bilang ng mga pumanaw.
Kumpara sa 2.6% COVID-19 positivity rate na naitala nitong Martes, ngayon ay tumaas na ito sa 4.5%. Hindi hihigit sa 5% positivity rate ang pasok sa panuntunan ng World Health Organization (WHO).
Ayon sa DOH, dalawang laboratoryo ang hindi operational mula December 27, at isang laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos sa takdang oras.
Una rito, inihayag ng OCTA Research na higit na sa 5% ang daily positivity rate sa NCR nitong Lunes. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na humigit sa 5% ang positivity rate sa rehiyon mula noong huling bahagi ng Oktubre.
Nagbabala ang OCTA Research na posibleng hindi lang "holiday uptick" ang dahilan ng pag-angat ng hawahan ng virus.
"I think we should be concerned about this. It is possible that the increase is being driven by Omicron [variant]," babala ni Dr. Guido David.— FRJ, GMA News