Ibinasura ng Makati Regional Trial Court ang kaso laban sa "self-confessed" drug distributor na si Kerwin Espinosa, at iba pang kapuwa niya akusado sa kaso na may kaugnayan sa umano'y kalakalan ng ilegal na droga.

Sa 13-pahinang desisyon, kinatigan ng Makati RTC Branch 64 ang "demurrer to evidence" na inihain ng kampo nina Espinosa, Lovely Impal, Wu Tuan Yuan, at pagbasura sa motion to dismiss the demurrer to evidence na inihain ni Marcelo Adorco.

Ang kaso ay kaugnay sa umano'y sabwatan ng grupo ni Espinosa sa illegal drug trade.

“In this case, the purported participation of Impal, Espinosa, and Yuan in the alleged conspiracy was based solely on Adorco’s recanted testimony, which is not only untrustworthy but also inadmissible for having been obtained in violation of his constitutional right,” ayon sa desisyon.

Hindi rin kombinsido ang korte sa testimonya ng mga pulis para patunayan ang alegasyon laban sa grupo ni Espinosa.

“The testimonies of the police officers… are not strong enough to show that the Espinosa Group conspired to commit illegal trade or illegal trafficking of dangerous drugs for it is undisputed that the police officers have no personal knowledge of the crime that was allegedly committed," ayon sa korte.

Una rito, kinasuhan ng Department of Justice sina Espinosa kaugnay sa umano'y illegal drug trade sa Eastern Visayas.

Si Espinosa ay anak ni dating Albuera, Leyte mayor Rolando Espinosa Sr., na nasawi sa loob ng kulungan noong 2016 matapos umanong manlaban sa mga pulis. (READ: PNP reiterates vow to uncover truth in Mayor Espinosa’s death)  

Kasama ang nakatatandang Espinosa sa mga lokal na opisyal na nasa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot umano sa ilegal na droga.

Naaresto ang nakababatang Espinosa sa Abu Dhabi noong Nobyembre 2016, at sinasabi ng PNP-AIDG na umamin umano ito sa pagkakasangkot sa kalakalan ng ilegal na droga.—FRJ, GMA News