Inihayag ng Department of Health (DOH) na hindi na sila magpo-post ng daily COVID-19 bulletins simula sa January 1, 2022. Pero tutol ang ilang senador sa naturang plano.

“Nais po namin ipaalam na hanggang sa December 31 na lang ang araw-araw na paglabas ng case bulletin at ng COVID-19 situational report,” sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa media briefing nitong Lunes.

“Simula sa January 1, lahat ng ating COVID-19 data ay makukuha na natin sa COVID-19 tracker sa DOH website,” patuloy niya.

Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na ang tracker ay magkakaroon ng daily update ng 4 p.m. at makikita sa doh.gov.ph/covid19tracker.

“This public tracker, which has been operational since the start of the pandemic, contains all information being provided in the case bulletin and daily situation report,” paliwanag ng DOH.

Gayunman, ilang senador ang tutol sa naturang plano ng DOH, at iginiit nila na mahalagang mabigyan pa rin ng imporasyon ang publiko sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.

“I think that it’s a mistake that the DOH will stop announcing bulletins as its a tool for us, the public to know the positivity rate of infections in the country. Whether it is decreasing or increasing it is the right of the people to know this and be informed about it,” ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.

“I respectfully urge the DOH to continue these announcements so that we may be guided accordingly. Now more than ever, with the Omicron variant we should be more on guard for the public’s safety,” dagdag ng senador.

Sinabi naman ni Sen. Joel Villanueva na ang daily COVID-19 bulletins ay nagsisilbing paalala sa publiko na hindi pa tapos ang problema sa pandemiya kaya dapat pa rin sumunod sa safety protocols.

“DOH should always ensure that there is accurate and timely information on COVID to help people make the right decision. We can't let our guard down if we want to progress in the reopening of the economy,” paliwanag niya.

Iginiit din ni Sen. Francis Pangilinan ang kahalagahan ng COVID-19 bulletins para mabigyan ng sapat na kaalaman ang publiko sa sitwasyon patungkol sa pandemiya.

Ayon naman kay Sen. Richard Gordon, dapat ipabatid sa publiko ang sitwasyon ng COVID-19 para alam nila kung paano mag-iingat.

Naghihinala naman si Senate President Vicente Sotto III, na may “agenda” sa likod ng naturang plano ng DOH. --FRJ, GMA News