Isang babae na galing sa Amerika ang ika-apat na kaso ng Omicron variant ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, 38-anyos ang babae na dumating sa Pilipinas mula sa USA noong December 10, sakay ng Philippine Airlines PR 127.
“She was quarantined upon arrival,” sabi ni Vergeire sa media forum.
May sipon at makati ang lalamunan ng babae noong December 13. Nagpositibo siya sa COVID-19 noong December 15 at inilagay sa isolation facility.
“She was discharged after a 10-day isolation on December 24. She remains to be asymptomatic as of this time,” ayon kay Vergeire.
Nalaman na positibo sa Omicron variant ang babae noong December 25, ayon sa DOH.
“Kasi ‘yung detection ng Omicron dito, ‘yung detection natin sa sequencing for this fourth case ng Omicron came after when the individual was discharged already,” paliwanag niya.
“Alam natin na kapag wala ka naman variant of concern, you follow the existing protocol that we have. So nagkaroon siya ng 10 days na isolation,” dagdag ng opisyal.
Naka-home quarantine umano ang babae ang masusing sinusubaybayan ang kalagayan. Nakatakda siyang isailalim sa test sa Martes.
Nakikipag-ugnayan naman umano ang DOH sa Bureau of Quarantine at Department of Transportation tungkol sa flight manifest para sa contact tracing.
“Rest assured na lahat naman po ng dumarating, kapag dumating po sila, for example the US, a yellow country, they are all quarantined for five days, tested on the fifth day, once negative, they are sent home but they have to do home quarantine until the 14th day,” ayon kay Vergeire.
Wala naman umanong naiuulat na COVID-19 symptoms ang mga close contact ng babaeng positibo sa Omicron variant.
“We are still verifying the other two passengers and lahat naman po ito ay naka-isolate or naka-quarantine pa din po and they are being monitored,” aniya.—FRJ, GMA News