Humihingi ng hustisya ang pamilya ng dalawang babaeng biktima ng hit-and-run ng isang van sa Aurora Boulevard, Pasay City nitong madaling araw ng Sabado, Araw ng Pasko.
Ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa 24 Oras nitong Linggo, magkahiwalay na naglalakad ang dalawang babae nang biglang may humarurot na van at nahagip sila. Tatlong tao naman ang nasaktan sa insidente.
Sabi ni Gina Calatay, lola ng biktimang si Mariel Magtunaw, 19, nais niyang pagbayarin ang driver na hanggang ngayon ay tinutugis pa rin ng mga pulis.
"Sana makonsensya ka. Sumuko ka na para mabigyan hustisya apo namin. Bata pa 'yong pinatay mo," ani Calatay.
Naulila rin ng 52-anyos na si Imelda Cupo ang kaniyang tatlong anak na nangakong magsasampa ng kaso laban sa suspek.
Posibleng maharap ang driver sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, reckless imprudence resulting in multiple physical injuries, at damage to property. — Ma. Angelica Garcia/BM, GMA News