Doble ang pasakit ng isang may-ari ng tindahan ng cellphone dahil bukod sa nilimas ng apat na kawatan ang higit P270,000 halaga ng mga cellphone unit at pera sa Central Bicutan, Taguig, na-scam pa siya ng mga nagpakilalang pulis na humuli na raw sa mga salarin.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Huwebes, makikita ang pagpasok ng tatlong lalaki sa tindahan ng cellphone sa nasabing lugar pasado 7 p.m. ng Disyembre 21.
Nakasuot ng helmet ang mga lalaki at nagpanggap na bibili ng cellphone. Maya-maya pa, dumating ang isa pa nilang kasama, pero hindi na ito pumasok sa tindahan.
Ilang saglit lamang ang nakalipas, nagdeklara na ng holdup ang mga suspek.
"'Wag na kayong kikilos nang masama. 'Wag na kayong kikilos," sabi ng isa sa mga kawatan.
Isa-isa nilang nilimas ang mga cellphone sa mga estante, at kinuha pa ang isang kahon na naglalaman ng iba't ibang brand ng cellphone.
Tumagal lamang ng halos dalawang minuto ang panghoholdap.
"'Yung tumutok sa akin 'yung naka-red na jacket, 'yung .38 'yung baril niya. Sabi niya 'Huwag na kayong pumalag ha, huwag kayong sumigaw. Pinapasok kami sa CR, tapos 'yung isang kasama ko [hinahanap] 'yung pera, kung nasaan ang benta na iba. Sabi ng kasama ko 'Naibigay ko na ho sa inyo,'" ayon sa isa sa mga nasa tindahan.
Base sa isinagawang inventory ng may-ari ng cellphone store, 43 assorted cellphone units ang natangay ng mga holduper sa kanila, na aabot ng P270,000, bukod pa sa P13,500 na kanilang benta, at P2,300 na sariling pera ng kaniyang tauhan.
Base sa salaysay ng may-ari ng tindahan, nitong Miyerkules sana ibibigay ang Christmas bonus ng kaniyang mga tauhan, pero naudlot dahil sa pangyayari.
"Malalaki ang mga katawan niyo, ipakakain niyo sa pamilya niyo. Hindi naman siguro tama 'yung ginawa niyo kasi naghahanap-buhay 'yung tao na normal tapos ginanu'n niyo na lang kami," mensahe ng may-ari ng tindahan sa mga suspek.
Naging doble pa ang dagok ng may-ari ng tindahan nang may nagmensahe kinabukasan sa kaniya na nagpakilalang pulis, na nagsabing nasa Camp Bagong Diwa na ang mga suspek at ibabalik na sa kaniya ang mga nakuhang item.
Nakipagkita ang may-ari sa tumatawag sa kaniya at hiningian muna siya ng pabuya para sa nag-tip at sa "tropa" ng kapulisan.
Nagkasundo ang may-ari at ang nagpakilalang pulis na pumunta sa Hall of Justice sa Taguig at doon i-inquest ang mga salarin at ibibigay ang mga item.
Inabot din ng may-ari ang sobre na naglalaman ng pabuya sa isang nakasuot ng police trainee tshirt. Pero walang nangyari sa apat na oras nilang paghihintay sa tapat ng Hall of Justice.
"Noong pagkaabot ko ng pera, pinapauna ako sa Hall of Justice, susunod daw siya kasi bibili lang siya ng folder. Hanggang sa nawalan na ng contact, doon na ako kinabahan. Na out of coverage na," anang may-ari ng tindahan.
Sinabi ng Taguig Police na may person of interest na sila sa pangho-holdup.
"Noong tanghali ay may bumili sa kaniya na isang lalaki na hindi siya nagparesibo. So, ngayon siya 'yung person of interest namin at vine-verify na namin sa CCTV camera," sabi ni Police Colonel Celso Rodriguez, Chief of Police ng Taguig City.
Dagdag ng Taguig Police, wala pa silang nahuhuling suspek kaugnay sa mga nanloko sa may-ari ng tindahan.
Inaasahan ng mga awtoridad na darami pa ang mga ganitong uri ng krimen ngayong Kapaskuhan. —LBG, GMA News