Nahuli-cam ang isang angkas na nahulog sa motorsiklo habang umaandar sa Makati City. Nang suriin, lumitaw na may mga tama pala siya ng bala at nahulog sa kalsada ang bugkos ng mga perang dala niya.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News 24 Oras, makikita sa kuha ng CCTV sa Barangay Pinagkaisahan ang pagbiyahe ng isang motorsiklo sa Kalayaan Avenue noong Biyernes.

Maya-maya lang, nahulog na ang angkas at pati na ang hawak niya na tila supot na kinalaunan ay napag-alaman na naglalaman ng bukos ng mga pera na nagulungan pa ng ibang sasakyan.

Pero ang nagpapatakbo ng motorsiklo, tuloy sa pag-arangkada patungong EDSA.

Ayon sa isang saksi, inakala niya noong una na basura lang na itinapon ang bugkos ng pera, na hindi pa batid kung magkano.

Nakilala naman ang lalaki sa nakuhang mga ID sa kaniya na mula sa Taguig.

May nakita ring baril sa lugar na pinangyarihan ng insidente.

Hinihinala ng mga awtoridad na baka may kinalaman ang nakitang pera sa nangyaring krimen.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis.-- FRJ, GMA News