Sumailalim sa voluntary drug tests nitong Lunes ang magkatambal sa Eleksyon 2022 na sina presidential aspirant Senator Panfilo Lacson at running mate niyang Senate President Vicente Sotto III.
Ayon kay Sotto, sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sila nagpa-drug test ni Lacson.
"What we underwent was not the ordinary testing. PDEA uses a multidrug testing kit. It can check all types of illegal drugs encompassing holistic drug test," sabi ni Sotto sa mga mamamahayag.
"Ordinary testing only checks marijuana and shabu," dagdag pa niya.
Lumitaw sa resulta ng pagsusuri na negatibo sa anumang uri ng droga ang dalawa.
LOOK: Drug test results of Sen. Ping Lacson and SP Vicente Sotto @gmanews @gmanewsbreaking pic.twitter.com/MS5jfVo1ZF
— ????Anna Felicia (@annafelicia_) November 22, 2021
Ginawa nina Lacson at Sotto ang pagpapa-drug test ilang araw matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na may presidential aspirant sa 2022 elections ang gumagamit ng cocaine.
Hindi binanggit ni Duterte kung sino ang naturang kandidato pero tinawag niya itong anak ng mayaman.
Tumatakbong pangulo si Lacson sa ilalim ng Partido Reporma, habang Nationalist Peoples Coalition naman ang partido ni Sotto.
Nauna nang sinabi ni Lacson, dating hepe ng Philippine National Police, na nakatitiyak siya na hindi siya ang pinapatungkulan ni Duterte. --FRJ, GMA News