Dinagsa ng mga deboto ng Brgy. 85 Zone 7 sa Tondo, Maynila nitong Linggo ang prusisyon ng Poong Nazareno bilang pasasalamat sa pagluluwag ng restrictions at pagbaba ng COVID-19 cases.

Ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes, isinigawa ang prusisyon mula sa Sto. Niño de Tondo Parish upang ilipat ang imahe ng Poong Nazareno sa covered court ng barangay.

Masayang nakisayaw ang mga residente kasabay ang tugtog ng musika.

Para sa mga taga-Tondo, ang pagsama nila sa prusisyon ay patunay ng kanilang masidhing pananampalataya sa Poong Nazareno.

Sa ilalim ng Alert Level 2 na kasalukuyang umiiral sa Metro Manila, pinapayagan ang in-person religious gathering hanggang 70% capacity ng venue kapag outdoor.

Sa kabila nito ay pinaalalahanan pa rin ng mga awtoridad ang mga residente na huwag magkumpulan.

Ngunit sa dami ng tao ay tila hindi na nasunod ang safety at health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at pagpapanatili ng social distancing.

Samantala, tumagal naman ng dalawang oras  ang nasabing prusisyon. —Sherylin Untalan/KG, GMA News