Arestado nitong Lunes ng Manila Police District Station 7 ang isa umanong pekeng doctor, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Kinilala ang suspek na si Omar Moharin, 34. Ayon sa ulat, isang totoong doktor at mismong may-ari ng klinika ang nagpa-aresto sa kaniya.
Kabilang sa mga nakumpiska mula sa suspek ay ang isang lab coat kung saan burdado ang pangalan niya at logo ng dalawang malalaking ospital sa Metro Manila.
Ayon kay Police Major Johnny Boy Itcap, hepe ng Tayuman Police Community Precint, na-hire si Moharin mula sa isinagawang online application ng clinic at doon niya ipinasa ang kaniyang requirements. Dahilan daw ito para madaling dayain ang mga dokumento.
Nagreseta rin umano ang pekeng doktor sa dalawang pasyenteng nagpa-check up sa clinic.
Unang araw pa lang daw ni Moharin sa clinic ay nabisto na siya dahil naghinala sa mga kilos at pananalita niya ang bantay, na asawa ng may-ari ng clinic.
Ipina-verify naman agad ng mag-asawa sa Professional Regulation Commission o PRC ang suspek at doon napag-alaman na wala itong lisensya.
Graduate si Moharin ng medisina ngunit hindi ito nakapasa sa board exam kaya dalawang taon na raw itong nagpapalipat-lipat ng klinika.
Umamin ang suspek na hindi siya tunay na doktor ngunit tumanggi na itong magbigay ng pahayag sa media.
Mahaharap ang suspek sa mga reklamong paglabag sa Medical Act of 1959, estafa, at falsification of documents. —Sherylin Untalan/KBK, GMA News