Napawi ang pangamba at nakahinga nang maluwag ang mga naghahanap sa apat na taong gulang na si Cleo Smith matapos siyang matagpuan na ligtas sa isang nakakandadong bahay sa Carnarvon, Australia.

Oktubre 16 nang mawala si Cleo habang kasama ang kaniyang mga magulang sa isang campsite.

Labis na nangamba ang mga magulang ng bata at pati na ang mga opisyal sa bansa. Nag-alok pa ng pabuya ang pamahalaan ng 1 milyong Australian dollar o katumbas ng P38 milyon sa sino mang makapagtuturo sa kinaroroonan ni Cleo.

Sa video ng Western Australian Police Force na mapapanood sa GMA News Feed, sinabing nasa maayos na kalagayan ang bata nang makita sa bahay na 100 kilometro ang layo sa campsite.

Nakakandado ang bahay kaya puwersahang pinasok ito ng mga awtoridad at nakita ang bata sa isa sa mga kuwarto doon.

Naibalik na si Cleo sa kaniyang mga magulang ilang oras matapos siyang masagip.

Isang suspek ang nasa kostudiya ng mga awtoridad na pinaniniwalaang may kinalaman sa pagkawala ng bata.

Hindi naman binanggit kung papaano napunta sa naturang bahay si Cleo at papaano natunton ang kaniyang kinaroroonan. --FRJ, GMA News