Inihayag ng Land Transportation Office nitong Huwebes na suspendido pa rin ang "mandatory inspection" ng motor vehicles at private motor vehicle inspection centers (PMVICs), na nauna nang iniutos ng Department of Transportation (DOTr).
Sa isang pahayag, sinabi ni LTO chief Edgar Galvante na hindi naman ipinatigil ang operasyon ng PMVICs kaya maaari pa ring magpunta roon ang mga may-ari ng sasakyan para ipasuri ang kanilang sasakyan para roadworthiness at pagsunod sa Clean Air Act.
Puwede ring magpunta ang mga may-ari ng sasakyan sa mga private emission testing center (PETC) na may kasamang LTO visual inspection.
Ginawa ni Galvante ang paglilinaw bilang tugon sa pahayag ni Senador Grace Poe kaugnay sa natanggap umanong impormasyon na mayroong mga PMVIC sa ilang lalawigan na nagpapatupad ng "mandatory motor vehicle inspections" sa kabilang ng direktiba ng DOTr na suspendihan ang naturang uri ng pag-inspeksyon sa mga sasakyan.
Iniutos ni Transportation Secretary Tugade ang pagsuspendi sa mandatory inspection at testing ng mga sasakyan sa PMVIC habang nagsasagawa pa ng pagsusuri sa naturang proseso na bahagi ng pagpaparehistro ng mga sasakyan.
Ayon kay Galvante, maaaring nagkamali lang ang ilang motorista kaugnay sa inilunsad ng LTO na bagong information technology (IT) system na nag-uugnay sa PMVICs sa mga tanggapan ng LTO. Layunin daw nito na magamit nang husto ang Motor Vehicle Inspection and Registration System (MVIRS), bilang re-imposition ng mandatory vehicle inspections sa PMVICs.
Idinagdag ng LTO chief na layunin din ng bagong IT system na Land Transportation Management System (LTMS), na makakuha ng sapat na datos patungkol sa roadworthiness status and safety ng mga sasakyan sa bansa.
“In the inspection and registration of motor vehicles in areas where there is a complete roll-out of the LTMS MVIRS, results from PMVICs will be utilized. The results gathered from the PMVICs shall be used as a baseline data to ensure that the system will be able to ensure road worthiness of vehicles plying our roads, thereby improving the road safety standards of the Philippines,” ayon kay Galvante sa kaniyang memorandum sa LTO regional directors noong October 6, 2021. --FRJ, GMA News