Hiniling ni Quezon City Joy Belmonte sa mga mall na hanapan ng vaccination cards ang mga kostumer bago papasukin.
Bagaman papayagan pa rin naman ang mga walang vaccination cards na makapasok sa mall, pero dapat ay essential activities lang ang gagawin nila sa loob tulad ng pamimili ng grocery, o para sa medical at government services.
Ang mga makikitang hindi pa bakunado, dapat ay isumite raw ng mga mall ang listahan sa LGU para mai-schedule sila sa pagbabakuna laban sa COVID-19.
“As we want to vaccinate more people, we also directed mall managements to gather and list down the name, contact number, and barangay of unvaccinated patrons and submit it to the city government so they can immediately be scheduled for vaccination,” ani Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Ang direktiba ay bahagi ng panuntunan na inilabas ng LGU para sa Alert Level 3 na ipinatutupad ngayon sa Metro Manila na tatagal hanggang October 31.
Magsasagawa rin umano ng spot inspections ang lokal na pamahalaan sa mga establisimyento upang alamin kung sumusunod sila sa Safety Seal standards na itinakda ng national at local government.
Sa ilalim ng Alert Level 3, ilang establisimyento ang papayagan na mag-operate sa 30% indoor venue capacity para sa fully vaccinated, at 50% outdoor venue capacity, na dapat ay fully vaccinated din ang mga kawani. Ang mga may Safety Seals ay papayagan na magdagdag ng 10% capacity.—FRJ, GMA News