Papayagan na sa Sabado ang pagbubukas ng mga sinehan sa Metro Manila matapos ibaba sa Alert Level 3 ang community quarantine. Pero bawal ang pagkain tulad ng popcorn at pati na ang holding hands.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing magkakalayo ang upuan ng mga manonood kaya bawal ang magkakatabi.
Bawal ding alisin ang face mask habang nasa loob ng sinehan kaya bawal ang pagkain.
Matapos ibaba ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases sa alert level 3 ang community quarantine sa Metro Manila, kabila ang sinehan sa papayagan na mag-operate ng 30% capacity.
Mga fully vaccinated lang ang papayagan sa loob ng sinehan.
Dahil sa pandemic, isinara ang mga sinehan mula pa noong Marso 2020.
Ang pagbubukas ng sinehan ay ikinatuwa ni Joy Sigasig dahil makababalik na siya sa trabaho.
“Wala kaming ibang mahanap na trabaho kasi sabi antay antay lang magbukas. Mahirap sa amin noong nag-lockdown kasi wala kaming makuhang budget,” ayon kay Sigasig.
Magsisimula ang Alert Level 3 sa Metro Manila sa October 16, 2021 hanggang October 31, 2021.
Sa ilalim ng Alert Level 3, papayagan ang ilang establisimyento na mag-operate ng 30% indoor venue capacity para sa fully vaccinated individuals, at 50% outdoor venue capacity, basta fully vaccinated ang mga empleyado.--FRJ, GMA News