Pinag-aaralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na muling magbigay ng cash at fuel subsidy sa public utility vehicle operators dahil sa pagtuloy na pagtaas ng mga produktong petrolyo.
"As mentioned by the DOE (Department of Energy), we are coordinating with them for another possible Phase II po ng ating fuel and cash subsidy for our PUV operators," ayon kay LTFRB executive director Joel Bolano sa briefing ng House committee on transportation nitong Miyerkules.
"Ngayon po we are preparing the proposal to include po magkano 'yung amount and ilan po 'yung beneficiaries po na ipapasok natin dito sa possible Phase II ng fuel and cash subsidy for the PUV operators," patuloy niya.
Una rito, humihirit ang public utility transport group Pasang Masda ng P3 na taas-pasahe dahil sa sunod-sunod na fuel price hike.
Kung pagbibigyan, magiging P12 ang pamasahe sa mga jeepney mula sa kasalukuyang P9.
Sa datos ng DOE, umabot na sa P16.55 per liter ang itinaas sa presyo ng gasolina ngayong taon, P15.00 per liter naman sa diesel, at P12.74 per liter sa kerosene.
Nananawagan din si LTFRB chairman Martin Delgra, na patuloy na mapondohan ang kanilang service contracting program sa panahon ng pandemic.
"This would actually be an equalizer to both the transport sector, on one hand, and the commuting public on the other... and this is also where (the) government takes a direct hand in addressing this issue," ani Delgra.
Sa ilalim ng naturang programa, ang mga PUV operator at driver na kabahagi sa government’s free ridership program ay makatatanggap ng one-time payout ng P4,000, at lingguhang bayad batay sa kilomentro ng kaniyang biyahe bawat linggo--may pasahero man o wala.—FRJ, GMA News