Nagbitiw na sa puwesto ang chief of staff ni Manila Mayor Isko Moreno na si Cesar Chavez, na isa ring mamamahayag.
Sa kaniyang Facebook post, sinabi ni Chavez na tinanggap niya ang alok na trabaho mula sa Manila Broadcasting Company.
Marso pa raw inialok sa kaniya ang naturang trabaho at ipinaalam niya ito sa alkalde.
“I told Mayor Isko about the offer, and my intention to accept the same,” pahayag niya.
Nagpasalamat siya kay Moreno sa pag-unawa nito, at sa pagkakataong makapagtrabaho para sa lungsod ng Maynila.
Hindi raw niya pinagsisihan ang maging chief of staff ni Moreno, na tatakbong pangulo ng bansa sa Eleksyon 2022.
“With this decision, my family is happy. So happy to be back to my first love, radio broadcasting. Am done now with my other love, the government,” ani Chavez.
Sinabi naman ng alkalde na iginagalang niya ang desisyon ni Chavez.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Moreno na tungkol sa kalusugan at pamilya ang dahilan ng pagbibitiw ni Chavez.
“Nagkaroon siya ng health reason, that’s one. Two, he has to attend to his family so ayokong mag-interfere kapag pamilya na,” ani Moreno.
“Siyempre kaya ka naghahanap-buhay para sa pamilya mo. I respect that,” patuloy niya.
Nilinaw din ng political strategist ni Moreno na si Angelito Banayo, na walang gulo na nangyayari sa presidential campaign team ng alkalde.
“I said that’s a great opportunity and the Mayor said it would be a good career move since talaga namang love niya ang pagiging broadcast journalist,” sabi ni Banayo sa isang pahayag.
“Kaya dun sa mga bashers and intrigueros - tigilan nyo na ang chismis at intriga,” dagdag niya. —FRJ, GMA News