Nasawi ang isang lalaki na presidente ng asosasyon ng mga jeepney driver matapos pagbabarilin ang kaniyang sasakyan sa Barangay Unang Sigaw, Quezon City nitong Lunes ng gabi. Ang biktima, nakatawag pa sa anak na babae bago ang insidente.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes, kinilala ang biktima na si Jessie Dela Cruz, 46-anyos, na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Nagawa pang makalabas ng sasakyan ni Dela Cruz matapos ang pamamaril.

 

Patay ang isang presidente ng asosasyon ng mga jeepney driver nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang kanyang sasakyan nitong Lunes ng gabi, Oktubre 4, 2021, sa Barangay Unang Sigaw, Quezon City. James Agustin

 

Sa isang video, makikita na duguan at nakahandusay sa kalsada ang biktima habang humihingi ng tulong sa naturang lugar pasado 8 p.m.

Naidala pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay kalaunan.

Ayon sa mga residente, nagulat sila nang makarinig sila ng sunod-sunod na putok ng baril.

Sinabi ng mga nakasaksi na nakatakip ang mga mukha ng mga suspek na sakay ng motorsiklo na hindi naplakahan.

Sinabi ng mga kaanak ng biktima na galing si Dela Cruz sa birthday party sa Caloocan at pauwi na sa Sta. Maria, Bulacan.

Nakatawag pa ang biktima sa kaniyang anak na babae.

"Ang sabi, 'Uuwi na ako anak. Huwag mong ibababa 'yung telepono.' Tapos bigla-bigla na lang, sabi ng pamangkin ko, nawala 'yung papa niya sa linya. Hindi na po niya alam kung anong nangyari," sabi ng kapatid ng biktima.

Mabait at matulungin daw si Dela Cruz kaya palaisipan sa mga kaanak ang posibleng motibo sa krimen.

Presidente rin si Dela Cruz ng asosayon ng mga jeepney driver sa rutang PUC-Balintawak.

"Hiling po naming magkakapatid, na sana po mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kapatid namin dahil ni sa panaginip hindi namin inisip na may gagawa sa kaniya ng karumal-dumal na pagbaril na talagang hindi bubuhayin," sabi ng kapatid ni Dela Cruz.

Nakuha ng SOCO ang dalawang basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen.

Isang baril na kargado ng mga bala ang nakuha rin sa loob ng sasakyan ng biktima, at inaalam na ng Quezon City Police District kung pagmamay-ari niya ito. —Jamil Santos/KG, GMA News