Pinabulaanan ng Senate witness na sinuhulan siya para isiwalat ang ginawa umano nilang pagpapalit ng expiration date ng mga "substandard” face shield na idineliver nila sa gobyerno.

Ang naturang kawani ay dati umanong nagtatrabaho sa Pharmally Pharmaceutical Corporation. Iniimbestigahan ng Senado ang kompanya kaugnay sa umano'y overpriced na mga gamit na panlaban sa COVID-19 tulad ng PPEs, face mask at face shield na kinuha ng Department of Health 

Sa virtual press conference nitong Huwebes, humarap sina Senador Risa Hontiveros, Atty. lawyer Jaye Bekema, ang legislative staff na inakusahan ng panunuhol at ang testigo.

Kinontra nila ang alegasyon ni Atty. Ferdinand Topacio, kumakatawan kay Linconn Ong, director ng Pharmally.

“I categorically and absolutely deny bribing the witness into lying. Hindi po ako nanuhol, wala po sa opisina ni Sen. Risa, maging si Sen. Risa, ang nanuhol,” sabi ni Bekema.

“Kahit kailanman hindi kami bumibili ng testimonya, lahat po ng witness ay kusang-loob na lumalapit sa amin,” dagdag niya.

Ayon kay Bekema, ang testigo ang nag-e-mail sa tanggapan ni Hontiverosnoong September 9. Bineripika din umano muna ang mga sinabi ng testigo bago siya iniharap sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee.

“I want to emphasize po that our witness executed an affidavit, nanumpa po siya sa harap ng batas at sinabi sa kanya mismo ng notary public na siya ay mapaparusahan kung siya ay nagsinungaling,” giit ni Bekema.

“We secured his safety after as we do all our witnesses. We have evidence screenshots, photos, and records of conversations, records of text conversations na magpapatunay sa lahat ng sinabi ko (that will prove my claim),” patuloy niya.

Pinatotohanan din ng testigo ang mga pahayag ni Bekema.

“Ako po 'yung unang nag-email sa page po ni Sen. Risa Hontiveros po para humingi ng tulong po… Gusto ko lang po i-share doon ‘yung mga anomalya sa ginagawa namin na face shield,” anang testigo.

“Kusang-loob ko pong sinabi sa inyo. Wala naman po akong pagbayad na hiningi po sa inyo,” patuloy niya.

Ang ibinunyag ng testigo na paggalaw nila sa expiry date ng face shields ay pinatotohanan ni Krizle Grace Mago, na emplyado rin ng Pharmally.

Sa ngayon, hindi pa malaman ang kinaroroonan ni Mago.

Una rito, nagpakita ng video si Topacio ng umano'y tauhan sa bodega ng Pharmally na nag-akusa na binayaran ni Bekema ang testigo ni Hontiveros para humarap sa pagdinig ng Senado.

Sinabi ng testigo ni Topacio na hindi substandard at hindi ni-repack ang face shields na idineliber sa gobyerno, gaya ng isiniwalat ng testigo ni Hontiveros.—FRJ, GMA News