Inihayag ng opposition coalition na 1Sambayan na si Vice President Leni Robredo ang napili nilang presidential candidate para sa May 2022 elections.
Sa online briefing nitong Huwebes, sinabi ng convenor ng koalisyon na si retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, na inaasahan nilang tatanggapin ni Robredo ang pagkakapili sa kaniya.
“We hope that she will accept the challenge,” ani Carpio.
Ayon kay Carpio, si Robredo ay napili sa pamamagitan ng selection process na kinabibilangan ng survey sa mga miyembro ng 1Sambayan at coalition partners.
Ginamit ding basehan ang kaniyang track record, competence, integrity, patriotism, vision for the country at winnability.
"We therefore ask VP Leni to accept our endorsement to lead the Filipino people in this difficult time in our history," pahayag ni Carpio.
Sakaling tanggihan ni Robredo ang kanilang pag-endorso, sinabi ni Carpio na muling magpupulong ang koalisyon para pag-uusapan ang susunod na hakbang.
Gayunman, naniniwala ang dating mahistrado na hindi tatanggihan ni Robredo ang nominasyon.
Dati nang sinabi ni Robredo sa nakaraang pahayag na nakahanda siya sakaling siya ang mapili ng koalisyon ng oposisyon.
Sinabi rin ng pangalawang pangulo na hindi na niya nais na magpatuloy pa ang rehimeng Duterte at ang posibleng pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan--sakaling tumakbong pangulo at manalo si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. —FRJ, GMA News