Kinaantigan at nag-viral ang video ang hindi mapigilang pag-iyak ng isang ama nang masilayan at makarga niya sa unang pagkakataon ang bagong silang niyang anak sa Edmonton, Canada.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, mapapanood sa video ni Xia Bunao ang nakaaantig na fatherly love na ipinakita ni Chris Bunao nang isilang ang panganay nilang si Baby Christian.
"Ito 'yung matagal na naming pinag-pray. Ito 'yung palagi kong kinakantahan sa tiyan ng asawa ko. Ito na 'yung palagi kong kinakausap bago matulog," sabi ni Chris.
"Parang siya nga 'yung nanganak kasi siya 'yung nag-viral. Sobrang nakakatuwa po 'yun kasi it's something that, growing up na hindi ko po na-meet 'yung father ko. So 'yung anak ko hindi po mae-experience 'yung na-experience ko. It's really a blessing na nakapangasawa ako ng gano'ng klaseng tao," sabi ni Xia.
Bago nito, dumaan sina Chris at Xia sa siyam na taon na long distance relationship.
Taong 2013 nang ipetisyon si Chris, na 19-anyos lang noon, ng kaniyang mga magulang para mag-migrate sa Canada.
Naiwan naman sa Pilipinas si Xia na 17-anyos noon.
Dahil dito, sinabihan sila ng iba nilang mga kaibigan na hindi magtatagal ang relasyon nila.
"May mga point din minsan na nagkakaroon kami ng arguments, 'yung mga time na kailangan niyo kasing magtugma ng oras. Kasi umaga sa Pilipinas, gabi rito, kailangan mong mag-work. So may mga time na puyat ka eh, para mabigay mo 'yung time mo sa kaniya," ani Chris.
"Na-realize ko na somehow din pala hindi ko siya nakamusta, hindi ko siya natanong noong mga panahon na siya 'yung nauna rito (Canada). And I feel sad and I feel sorry na never ko man lang tinanong sa kaniya kung anong naramdaman niya," sabi ni Xia.
Dumaan ang mag-asawa sa maraming pagsubok para makasunod si Xia sa Canada.
"At first na-scam kami ng agency. Umulit kami ulit ng processing. March 13, nag-announce naman si President Duterte ng lockdown," sabi ni Xia.
Matapos nito, magkasama na sina Chris at Xia, at nabiyayaan sila nang dumating si Baby Christian.
"'Yung support na kahit, alam mo 'yun, iabot mo lang 'yung mga ganitong bagay, i-ready mo 'yung mga gano'ng bagay para sa asawa ko. Nagtutulungan kaming dalawa," sabi ni Chris.
"Sa young couples out there, huwag na huwag ninyong kalilimutan in the first place bakit kayo nagsimula. Kasi sa panahon ngayon, madali na lang magtapon ng mga bagay-bagay or magpalit ng mga bagay-bagay na ultimo relationships, madali na lang din itapon. Somehow sana hindi maging gano'n," sabi ni Xia. —LBG, GMA News