Desperado na nga sa paghahanap ng dugo para sa amang kritikal ang lagay dahil sa COVID-19, natangayan pa ng pera ang isang pamilya matapos maloko ng kunwaring blood donor na scammer pala.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing mahigit dalawang linggo nang kritikal sa ospital ang isang 54-anyos na ama na COVID-19 patient.
Dahil hirap makahanap ng dugo, nanawagan ng blood donor ang pamilya ng pasyente sa pamamagitan ng social media.
"Sa ngayon ang father ko po ay 50-50 na po, so may tsansang mag-improve or may tsansa rin pong mawala ang father ko ngayon," sabi ng anak.
Ayon pa sa anak, nahirapan silang maghanap ng dugo ng ama dahil rare ang AB+ na blood type.
Kalaunan, may nakipag-usap sa kaniya na inalam kung saan naka-confine ang pasyente at kung kailan sila pupunta para sa blood extraction.
"Noong nai-forward ko na ho sa kanila 'yung detalye ng pagdo-donate ng blood nila, doon na po sila nanghingi ng kung paano ang transportation nila," sabi ng anak ng biktima.
Nagpadala ng kulang P5,000 ang anak ng biktima sa nag-chat sa kaniya.
"Since that time sobrang natataranta na po ako, at naisip ko rin na baka wala silang pamasahe papunta roon sa ospital, agaran ko silang binigyan ng allowance para lang makapag-donate sila," kuwento ng anak.
Ngunit matapos nito, walang nagpakitang mga blood donor sa ospital, at inactive na ang ginamit na account ng salarin.
Nagbabala ang Philippine National Police tungkol sa talamak ngayong modus ng mga nagpapanggap na donor.
"Buhay ito ng tao eh. Tapos hindi ko ine-expect na may mga ganiyang tao na sobrang kritikal na nu'ng father ko, nananamantala pa ng ibang tao," hinanakit ng anak.
Dinagsa naman ng tunay na mga blood donor ang pasyente matapos i-post ng kaniyang pamilya ang panlolokong sinapit nila.
Gayunman, namomroblema pa rin sila sa hospital bill ng ama na aabot na sa P3 milyon.--Jamil Santos/FRJ, GMA News