Sa isang iglap, naulilang lubos ang isang anak sa Parañaque City matapos na magkasunod na pumanaw ang kaniyang ama't ina nang dahil sa COVID-19 sa loob lang ng isang linggo.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing noong Agosto 6 nang magpositibo sa COVID-19 ang anak na si John Jorhend Tumbokon.
Kaya nag-isolate siya sa basement ng kanilang bahay.
Pagkaraan ng halos isang buwan, nakitaan ng sintomas ng COVID-19 ang kaniyang ama na si Rodel.
"Basta alam ko mga three days lang or two days lang parang severe na agad yung condition ng father ko," ayon kay John. "Parang ibang variant nga yung umatake sa kaniya, sobrang bilis talaga."
Noong Setyembre 7, pumanaw ang kaniyang ama.
Sa sumunod na araw, nakaramdam din ng sintomas ang virus ang kaniyang ina na si Ruth.
Dahil sa nangyari sa ama, dinala nila sa ospital ang ina pero isa o dalawang araw lang ay na-intubate na ito.
Halos isang linggo pa lang mula nang pumanaw si Rodel, binawian din ng buhay si Ruth noong Sept. 13.
"Kumbaga siya yung pinaka-painful sa lahat talaga ng naramdaman ko. Sinisi ko lahat, sinisi ko ang sarili ko kasi ako ang unang nagka-virus," ayon kay John.
Ngunit hindi pa man nakakapagpahinga ang pamilya sa nararamdaman pighati, ang lola naman ni John ang nagkasakit at sumakabilang-buhay din ngayong linggo lang.
"Always show your love to your loved ones while you can and never forget to say I love you," mensahe ni John.
Sa datos ng Department of Health (DOH) na inilabas ngayong Martes, 16,361 ang naitalang bagong mga kaso ng COVID-19.
Umaabot naman sa 171,142 ang active cases kung saan 92.4% ang mild, 2.8% ang asymptomatic, 1.4% ang severe, at 0.6% ang critical.
Nakapagtala naman ng 21,974 ang mga bagong gumaling, habang 140 ang nasawi. --FRJ, GMA News