Inilabas na ng Brevard County Sheriff's Office sa Florida ang kuha sa dash cam sa madugong barilan ng dalawa nilang tauhan, at sa lalaking sakay ng sinita nilang sasakyan.

Nangyari ang engkuwento noong hapon ng Agosto 30 sa State Road 192, na malubhang ikinasugat ni Deputy Brian Potter, at ikinasawi ng salarin.

Ayon kay Sheriff Wayne Ivey, ipinakita nila ang video para malaman ng publiko ang peligrong kinakaharap nila sa araw-araw.

Sa video na naka-post sa kanilang Facebook page, makikita na kinakausap ni Thomas sa labas ng sasakyan ang isa sa mga sakay ng sinita nilang sasakyan.

Mayroon isa pang nakasandal naman sa likod ng sasakyan.

Habang si Potter, kinakausap ang lalaking namaril na nakaupo pa noon sa likuran ng passenger seat ng kotse at kasama ang isang sanggol at aso.

Maya-maya lang, napatakbo na si Potter dahil lumabas ang lalaki na armado na ng baril at nagsimulang magpaputok.

Tumakbo naman ang dalawang kinakausap ng mga awtoridad, na nilinaw ni Ivey, na walang kinalaman sa ginawang pamamaril ng lalaki. Bumalik din ang dalawa matapos ang insidente.

Sa palitan ng putok, sinabi ni Ivey na nagkaaberya ang baril ng salarin na nagawang makaikot sa patrol car at hinambalos ng baril sa ulo at mukha si Potter.

Dito na nakahanap ng tiyempo si Thomas at sunod-sunod na pinaputukan ang salarin, na ayon kay Ivey ay dati nang naharap sa iba't ibang asunto at nakalaya lang dahil sa piyansa.

Bukod sa mga sugat sa ulo at mukha dahil sa palo ng baril, nagtamo rin ng tama ng bala sa binti si Potter.

Matapang naman na idinepensa ni Ivey ang ginawang paulit-ulit na pagbaril ni Thomas sa salarin, na hindi umano karapat-dapat na banggitin pa ang pangalan.

"To those out there who might be foolish enough to ask why we shot him so many times... because evil can never be dead enough," ayon kay Ivey.--FRJ, GMA News