Inilunsad ang isang kilusan na Hugpong Para kay Sara (HPS) na layuning hikayatin si Davao City Mayor Sara Duterte na tumakbong pangulo sa Eleksyon 2022.
Naniniwala ang grupo na mas magiging mahusay na lider ng bansa si Sara kaysa sa kaniyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang sa mga nasa likod ng HPA si Davao del Norte governor Anthony del Rosario, na nagsilbing tagapagsalita ng Hugpong ng Pagbabago, ang regional political party na itinatag ng alkalde.
"Hindi porke anak siya ng Presidente eh lahat ng ginagawa ng Presidente ay sang-ayon siya," del Rosario.
"She has an independent mind. She makes her decision. She is version 2.0, may halo po itong Zimmerman. 'Pag Duterte at Zimmerman, mas maganda ang produkto," patungkol ng gobernador kay Elizabeth Zimmerman, ina ni Mayor Sara, at dating asawa ni Pres. Duterte.
Una nang sinabi ng alkalde na hindi siya tatakbo sa national position matapos tanggapin ng kaniyang ama ang nominasyon bilang kandidatong bise presidente ng PDP-Laban na paksyon ni Energy Secretary Alfonsi Cusi.
Nagkasundo umano ang mag-ama na isa lang sa kanila ang kakandidato sa national position sa Eleksyon 2022.
Naniniwala naman si Bagong Henerasyon party-list Representative Bernadette Herrera-Dy, na mapupunan ni Sara ang mga pagkukulang ng kasalukuyang administrasyon.
"President Duterte started good programs, but that is not to say there is nothing to be improved. No government is perfect," ayon sa kongresista na tagapagsalita ng HPS.
"This movement is one step to show her that there are many people who believe she is the best person for the job," dagdag ni Herrera.
Sa ngayon, mahigit 10,000 na raw ang miyembro ng HPS na mula sa iba't ibang panig ng bansa.
Ang HPS ay pinamumunuan ni Speaker Lord Allan Velasco, at ilan pa sa mga miyembro ay sina dating Dangerous Drugs Board chief Dionisio Santiago, ex-Cabinet Secretary Jun Evasco, University of the Philippines professor Clarita Carlos, at House Appropriations panel chair Eric Yap.—FRJ, GMA News