Sugatan ang dalawang motorcycle rider matapos silang magkasalpukan sa isang intersection sa Maynila. Ang ugat umano ng aksidente, isa sa kanila ang lumabag sa batas-trapiko.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing kanilang madalang araw nangyari ang aksidente sa panulukan ng Roxas Blvd. at Padre Burgos St.

Kinilala ang dalawang rider na si Rex Bariatos, isang motorcycle taxi, at call center na si Jandy Flores.

Iniinda ni Bariatos ang sakit sa balakang, habang nagtamo  ng mga sugat sa braso at binti si Flores, at namamanhid ang paa.

Inabutan ang dalawa na nakahandusay sa kalsada, at pinipilit ng mga kasamahan si Flores na huwag matulog habang hinihintay ang rescue unit na magdadala sa kanila sa ospital.

Ayon kay Bariatos, mayroon siyang pasahero na ihahatid sa Espana, at paliko na sila sa P. Burgos nang mag-green na ang traffic light. Pero bigla raw silang sinalpok ng humaharurot na isang pang rider.

Hindi naman malaman ni Bariatos kung nasaan ang kaniyang pasahero na bigla raw nawala.

Samantala, sinabi naman ng kaibigan ni Flores, na pauwi na sa Mariones, Tondo, na nag-unahan sa green light ang dalawa.

Pero ayon sa awtoridad, may kasamang grupo ng mga rider si Flores na nagmamadali nang mangyari ang sakuna.

Iimbestigahan kung mayroon nakainom sa dalawang rider at kung sino sa kanila ang talagang lumabag sa batas-trapiko. --FRJ, GMA News