Bugbog ang inabot sa taumbayan ng isang lalaki matapos siyang mag-amok at manghabol ng itak sa Quezon City. Kabilang sa kaniyang mga tinaga ang isang food delivery rider at isang ex-o ng barangay.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "24 Oras," makikita sa video ng barangay Pasong Tamo ang pagtakbo ng ilang residente nitong Biyernes pasado 1:30 a.m. dahil sa pagwawala ng suspek na may hawak na itak.

Dumating ang taumbayan para mahuli ang lalaki na pinagbabato nila. Pero may pagkakataon din na napaatras sila sa takot.

Nang halos nasukol na ang lalaki, napaupo na siya sa gilid ng kalsada pero biglang tumakbo papunta sa center island hanggang sa magkahabulan.

Kalaunan, nahuli rin siya ng taumbayan.

Bago ang naturang insidente, nahuli-cam ang lalaki na naglalakad sa varsity lane at may hawak na itak. Tinaga niya ang isang food delivery rider na naghatid ng pagkain sa lugar.

Nagtamo ng sugat sa likod ang rider na kinilalang si Ellizer Rivera.

"Akala ko patawid siya roon kaya nagmenor ako. And then noong tumapat na ako sa kaniya nakita ko na umamba na siya kaya ginawa ko, yumuko ako tapos, doon na, pumalo na [siya], tinamaan ako sa likod," sabi ni Rivera.

Nakita rin sa CCTV ang pagresponde ng barangay nang matanggap ang ulat ng pag-aamok ng suspek.

Tinaga rin ng lalaki sa ulo ang ex-o ng barangay na si Nestor del Rosario.

Nagtamo rin ng mga sugat ang dalawang lalaking nagbibisikleta matapos maaksidente nang umiwas sa pananaga ng suspek.

Nagkasugat din ang suspek matapos siyang bugbugin ng mga tao.

"Aburido na po ako, parang nawalan na ako ng malay. Tingin ko sa mga tao lahat na po kalaban. Ewan hindi ko nga alam eh, parang na-shock na nga ako," ayon sa suspek.

Dinala ang lalaki sa QCPD Station 14 na sasampahan ng patong-patong na reklamo.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News