Magpapatupad ng dalawang uri ng quarantine classification ang pamahalaan para sa ipatutupad na alert level system na sisimulan sa National Capital Region kaugnay ng pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Sa press briefing nitong Biyernes, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque, na inaprubahan ng IATF “provisionally” ang panuntunan sa alert level system.

“Sang-ayon po dito sa policy shift na gagawin natin, dalawa na lang po ang ating quarantine classification. Ito po ang ECQ na ipapataw po ng IATF o di naman kaya ang GCQ. Pero ‘yung pupuwede at hindi pupuwede sa GCQ po ay hindi gaya ng dati,” ayon kay Roque.

“Ang pupuwede at hindi pupuwede ay depende po sa alert level na nakapataw sa lugar sa loob mismo ng Metro Manila. Ito po ay magiging kada siyudad at kada munisipyo,” patuloy niya.

Sa ilalim ng Alert Level 4, ang pinakamataas na risk classification, hindi papayagan ang dine-in, personal services, at mass gatherings sa apektadong lungsod o munisipalidad.

Sinabi ni Roque na isasapinal pa ng IATF — o Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases — ang mga detalye tungkol sa mga aktibidad na hindi puwedeng gawin sa Alert Level 4.

“Lahat po ng areas ay magpapatupad ng granular lockdowns sang-ayon po sa guidelines ng IATF. Ang pagkakaiba po nito ang mga lockdowns na ito ay mas istrikto,” giit niya.

Ayon kay Roque, lilimitahan na lang ang Authorized Persons Outside Residence (APORs) sa mga health workers at health professionals.

Ang mga nakatira sa lugar na naka-localized lockdown ay hindi papayagang lumabas ng bahay--kahit ang mga opisyal at kawani ng gobyerno.

Kasalukuyang nasa MECQ hanggang September 15, 2021, ang Metro Manila.  Wala pang abiso kung mababago ito sa Sept. 16.--FRJ, GMA News