Napigilan ang tangkang pangho-holdap ng isang grupo sa isang convenience store sa lungsod ng San Juan nang paputukan sila ng alistong guwardiya.
Iniulat ni John Consulta sa "24-Oras" na pasado alas-dos madaling araw noong Biyernes nang makunan ng CCTV ang pangho-holdap sa isang gas station sa Pasig City. Nilimas ang pera sa kaha at tinangay pa ang cellphone ng kahera.
Sunod na tinarget ng mga suspek ang isang convenience store sa San Juan City.
Pero bago umano makaporma ang mga suspek, nakita na pala sila ng guwardiya ng establisyimento at pinutukan ang mga ito. Tinamaan ang dalawa sa mga holdaper.
Ayon sa guwardiya, hindi siya napansin ng mga holdaper. Nang matamaan niya ang dalawa, saka na nagtakbuhan ang mga suspek.
Sa follow-up operation ng San Juan Police, nadakip ang apat sa pitong robbery-holdup suspects sa Pasay at sa Mandaluyong.
Narekober din ang SUV na may tama ng bala ng security guard na nakabaril sa kanila sa San Juan. —LBG/KG, GMA News