Isang lalaki sa Tondo, Maynila ang bumunot umano ng baril at nakipaghabulan sa mga pulis nang sitahin siya dahil sa hindi maayos na pagsusuot ng face mask. Isang lalaki rin ang nakuhanan ng baril, granada at droga nang sitahin dahil din sa face mask sa Taguig.
Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Huwebes, kinilala ang naaresto sa Tondo, Maynila na si Edgar Quilet, na dati umanong tricycle driver.
Sa kuha ng CCTV, makikita si Quilet na tumatakbo habang hinahabol ng pulis.
Bumunot daw ng baril at tumakbo ang suspek nang sitahin dahil nakababa ang kaniyang face mask.
Nagpupumiglas pa ang suspek habang nilalagyan ng posas sa kalsada para dahil sa presinto.
Ayon sa pulisya, natatakot daw si Quilet na magulpi ng mga tao dahil kilala siya na holdaper.
Itinanggi naman ito ng suspek at sinabing inutusan lang siya para ibenta ang baril sa halagang P500, at P100 ang makukuha niya.
Maysakit daw ang tatlong-buwan-gulang niyang anak kaya kailangan niya ng pera.
Sa Taguig naman, sinita rin ng mga pulis ang isang lalaki na mali ang suot na fask mask.
Pero dahil sa kaduda-duda ang kaniyang ikinilos, kinapkapan siya at nakuha ang isang baril, granada at ilegal na droga na nagkakahalaga ng P170,000.
Noong una, inamin daw ng suspek sa pulis na napilitan siyang magbenta ng droga dahil wala raw siyang natanggap na ayuda.
Pero nang makausap ng GMA News, itinanggi niya ang mga paratang. --FRJ, GMA News