Patay ang isang lalaki sa Maynila matapos malapitang barilin sa ulo. Ang krimen, nakunan ng CCTV camera.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV ang tatlong lalaki na naglalakad sa kalsada sa Barangay 649 sa Baseco, Maynila, ntiong Miyerkules ng tanghali.
Pero maya-maya pa, bumunot ng baril ang lalaking nasa hulihan at binaril sa ulo ang biktimang sinusundan niya.
Kahit nakatumba na ang biktima, binaril pa ulit siya ng salarin, na mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Nakilala kinalaunan ang biktima na na kaagad na nasawi na si Efren Castillo, 51-anyos, isang glass installer, at naninirahan sa Pandi, Bulacan.
Ayon sa pulisya, nagpunta ang biktima sa lugar kaugnay ng kaniyang trabaho.
Sinabi ng punong barangay na si Diana Espinosa, ngayon lang ulit nangyari ang ganoong insidente ng krimen.
Nanawagan siya sa mga nakakita na tumulong para mabigyan ng katarungan ang biktima.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad para mahuli ang salarin.--FRJ, GMA News