Patay ang isang lalaki na akyat-bahay umano at armado ng matulis na bagay matapos siyang barilin ng guwardiya ng dormitoryo na kaniyang nilooban sa Quiapo, Maynila.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, mapapanood sa video ng Manila Police District Homicide Section ang pagpasok ng suspek sa naturang dormitoryo nitong Lunes ng gabi.
Tinataguan ng lalaki ang guwardiya ng dormitoryo na rumuronda noon. Pero kinalaunan ay nagpang-abot ang guwardiya at ang lalaki na hindi nakunan ng CCTV.
Sunod nito, nakunan ng camera ang pag-atras ng guwardiya habang nakaturo ang baril sa umano'y akyat-bahay.
"Inatake siya nito gamit ang isang ice pick, at para ma-prevent ang pag-atake sa kaniya, ang ginawa niya tinapunan niya ito ng silya," sabi ni Police Captain Philipp Ines, spokesperson ng MPD.
"Kaya lang tuloy-tuloy pa rin ang ginawang pag-atake sa kaniya kaya wala na siyang nagawa kundi ipagtanggol ang sarili at mabaril itong tao," patuloy pa ni Ines.
Dead on the spot ang suspek, na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.
Kusa namang sumama sa pulisya ang guwardiya at isinuko ang baril na kaniyang ginamit sa pagbaril sa lalaki. Pero tumanggi na siyang magbigay ng pahayag sa media.
Pero sinabi niya sa pulisya na self-defense ang nangyari.--Jamil Santos/FRJ, GMA News