Umabot sa 14,610 ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ngayong Lunes. Ito na ang ikatlong sunod na araw na mahigit 14,000 daily new cases ng virus sa bansa.
Sa datos ng Department of Health, nakasaad na 106,672 na ang mga aktibong mga kaso, at mayroon pang pitong laboratoryo ang bigong magkapagsumite ng datos sa takdang oras.
Sa mga aktibong kaso, 96.1% ang mild cases, 0.9% ang asymptomatic, 0.89% ang moderate, 1.3% ang severe at 0.7% ang kritikal ang kalagayan.
Nadagdagan naman ng 27 ang mga nasawi para sa kabuuang bilang na 30,366.
Samantala, 1,618,808 naman ang kabuuang bilang ng mga gumaling matapos na makapagtala ng panibagong 10,674 recoveries.
Una rito, sinabi ni Dr. Cynthia Saloma, executive director ng Philippine Genome Center (PGC), na ang mas nakahahawang Delta variant na ang dominant coronavirus variant sa bansa.
"The Delta variant really has overtaken the other variants of concerns," pahayag ni Saloma sa Palace briefing nitong Lunes.
"Dati marami tayong Beta at saka Alpha, ngayon po yung ating mga sampling na nai-sequence pinakamarami na po ang Delta variant," ayon kay Saloma.--FRJ, GMA News