Inilagay muli ang Pilipinas sa klasipikasyon bilang high-risk area sa COVID-19 dahil sa pagsipa ng mga kaso sa buong bansa ng 47% sa loob lang ng dalawang linggo dahil sa mas nakahahawang Delta variant, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Lunes.

Mula Agosto 2 hanggang 8, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na may average na 8,829 na bagong mga kaso ang naitatala bawat araw. Bago nito, nasa 7,029 ang average ng mga mga bagong kaso bawat araw sa nakalipas na mga linggo.

“Nationally, our case classification is now at high risk,” pahayag ng opisyal sa idinaos na briefing.

Dagdag pa niya, “local Delta cases have been detected in 13 out of our 17 regions in the country.”

Lumitaw din na sumipa ang average daily attack rate (o ADAR) sa 7.20 cases per 100,000 population, ang healthcare utilization rate ay nasa 54.70%, at ang intensive care unit (ICU) occupancy rate ay nasa 61.71% hanggang nitong Agosto 6.

Nitong nakalipas na linggo, inilagay ang risk classification ng bansa sa “moderate” mula sa "low" dahil sa pagtaas ng mga kaso noong Hulyo.

Itinuturing high-risk area ang Metro Manila, Cordillera Region, at Regions 1, 2, 4A, 7, at 10 dahil sa mataas na ADAR.

Nasa critical risk naman ang Malabon, Navotas, at Pateros.

Batay sa datos ng DOH, umangat ng 123% ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa nakalipas na dalawang linggo.

Una rito, inihayag din ng DOH pagtaas ng mga kaso sa lahat ng "age group" sa July 13-25 kumpara noong July 26-August 8, at hindi lang sa mga bata.

"Among the age groups, the highest increase was observed among the 30-39 age group and lowest among those 80 years old and above during the same period," ayon sa DOH.--FRJ, GMA News