Dumagsa ang mga gustong magpabakuna sa Quezon City sa mega vaccination site sa Araneta Coliseum nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa isang ulat sa "24 Oras Weekend," ang sinisi ng mga awtoridad ay ang nagkalat ng maling impormasyon na puwedeng mag-walk-in.
"Akala kasi ng mga tao na puwede ang walk-in dahil may mga nagpost po na puwede raw po. Hindi po nila naiintindihan kung ano po ang difference ng walk-in sa quick substitution list," ani Margarita Santos, isang miyembro ng Task Force Vax to Normal.
Ayon sa mga awtoridad, isang Facebook post ang kumalat na nagsasabing tumatanggap daw ng walk-in sa mega vaccination site.
Kaagad naman itong itinanggi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.
"Some shameless individuals still continue to instigate these situations by spreading fake news on social media. These online saboteurs typically urge the public to line up outside vaccine sites for 'walk-in accommodations,'" ani Belmonte.
"I would like to make the following requests: to those spreading this fake news (for whatever malicious reason), makonsensya naman kayo. You are literally endangering the lives of countless men, women, and children," dagdag pa niya.
Binigyang babala rin ng mayor ang mga indibidwal na nasa likod ng fake news.
"Kung hindi kayo madadala sa pakiusap, kaso ng reckless endangerment, violation ng Cybercrime Law, at unjust vexation ang ihaharap namin sa inyo. To this end, I would like to appeal to our national law enforcement agencies to investigate these posts, and file the necessary charges," ani Belmonte.
Samantala, sabi ni Philippine National Police chief Guillermo Eleazar na iimbestigahan daw nila ang nangyari.
"Tinawagan ko na rin ang ating cybercrime group para magsagawa ng imbestigasyon na naulit na naman na 'yong ating mga kababayan nakakakuha sila ng maling impormasyon," ani Eleazar. —Ma. Angelica Garcia/LBG, GMA News